Showing posts with label tula. Show all posts
Showing posts with label tula. Show all posts

Sunday, June 9, 2013

Tula: Ako'y Wika



Wikang Filipino ang aking pangalan,
Ipinanganak ko itong kalayaan,
Ako ang ina at siyang dahilan,
Ng pagkakaisa at ng kasarinlan!

Sapagkat ako nga ang siyang tumanglaw
Sa bansang tahanang iyong tinatanaw,
Katulad ng inang sa iyo ay ilaw,
Nagbibigay-sigla’t buting sumasaklaw!

Ako rin ang ama at naging haligi,
Ng mga sundalo at mga bayani,
Sa digmaan noon sa araw at gabi,
Ako ang sandatang nagtaas ng puri!

Pagkat akong wika ang lakas mo’t tuwa
Ako’y lakas nitong bisig mo at diwa
Sa pamamagitan ng aking salita,
Ligtas ka sa uring luksong masasama!

Sinalita ako at gamit ng lahat,
Upang mga taksil ay maisiwalat,
Sa Luzon, Visayas, sa lahat ng s’yudad,
Pati sa Mindanao, ako ay nangusap!

At nakamit mo na ang hangad na laya,
Mula sa dayuhang sakim at masama,
Dilim na sumakop sa bayan at bansa,
Dagling lumiwanag, pintig ay huminga!

Wikang Filipino, ginto mo at hiyas,
Panlahat na wika saan man bumagtas,
Ilaw na maalab sa dilim ay lunas
At lakas patungo sa tuwid na landas!

Thursday, February 28, 2013

Tula: Sandalangin ni Joey A. Arrogante



Wow! Pare
dyahi talaga.
Ang bigat!
ng atraso ko Sayo.
Alaws kasing bread
pang-score ng damo
kaya nadodobol-kros Kita.
Nagdurog ako,
Nang dumaan Ka, kasama ng mga sikyo,
bumahag ang buntot ko
baka kasi mahalata nila
na magkakosa tayo
pati ako isalvage nila
kaya inisnab Kita.

Sori Boss!
Patawad!

Heben, mulang ikosa Mo ako,
sa pagkaklase ba.
Pero nang magdisaper Ka,
nagkawatak-watak lahat
Kasalanan ko!
Sinira ng pagwawala ko
ang pagtitiwala Mo
Pati ng barkada
kaya sising-alipin ako.


Ang laki ng naging kapalit
sa binalewala kong pakikisama Mo,
nasugapa lalo ang buhay ko,
nasira pati ulo ko
sa kamalasan,sa problema;
naging demonyo ako,
kaaway ng lahat-
ng bahay, ng gobyerno, ng simbahan.
Ayoko na!
Hindi na kaya
ng aking konsiyensiya.
Ang hirap palang wala Ka!

Sori Among!
Patawad!

Alam kong di- mapipiyansahan ang mga atraso
ko sa 'Yo.
Alam ko ring walang duda matutukso pa ako
dahil di-mabunot-bunot ang sukal
na tumubo sa mundo ko
na nagpapadilim sa tinatakbuhan ko,
kaya nagbabalik-luhod ako Sayo
kahit basag na ang pula ko,
kahit basa na ang papel ko.

Isang pakiusap
pakinggan Mo sana:
pabawiin Mo naman ako,
minsang tsansa na lang ba?
itong-ito na lang!
kailangang-kailangan ko kasi
at wala na akong matatakbuhang iba
na makikinig,
na makakaintindi.
Ikaw lamang.

Sige na naman!
pagbigyan Mo na ako
para naman mahulug-hulugan ko
ang mga atraso ko Sayo
at sa kanilang lahat.

Kung gusto Mo,
para mabawasan ang galit Mo,
pulbusin Mo ang dibdib ko
nang maisuka ko na rin
ang lason sa katawan kong ito.



Maawa Ka na, Manong!
tulungan Mo ako!
pagalingin Mo ako!
baguhin Mo ako!
ang toyo’t talangka sa ulo ko
pakialis Mo!
kahit papaano
makalakad lang uli ako nang diretso.

Maawa Ka na, Manong!
Tanggapn Mo uli ako kahit di nakakosa,
Maski kakilala na lang basta.
Sige na naman!
Ibigay mo na sa ‘kin ang adres Mo
at hahanapin ko ang bahay Mo
at oras na makita ko
ipinangangako ko Sayo:

Sasambahin ang ngalan Mo,
Susundin ang loob Mo,
Dito sa lupa…para…

Patawad Diyos ko!