Thursday, February 28, 2013

Tula: Sandalangin ni Joey A. Arrogante



Wow! Pare
dyahi talaga.
Ang bigat!
ng atraso ko Sayo.
Alaws kasing bread
pang-score ng damo
kaya nadodobol-kros Kita.
Nagdurog ako,
Nang dumaan Ka, kasama ng mga sikyo,
bumahag ang buntot ko
baka kasi mahalata nila
na magkakosa tayo
pati ako isalvage nila
kaya inisnab Kita.

Sori Boss!
Patawad!

Heben, mulang ikosa Mo ako,
sa pagkaklase ba.
Pero nang magdisaper Ka,
nagkawatak-watak lahat
Kasalanan ko!
Sinira ng pagwawala ko
ang pagtitiwala Mo
Pati ng barkada
kaya sising-alipin ako.


Ang laki ng naging kapalit
sa binalewala kong pakikisama Mo,
nasugapa lalo ang buhay ko,
nasira pati ulo ko
sa kamalasan,sa problema;
naging demonyo ako,
kaaway ng lahat-
ng bahay, ng gobyerno, ng simbahan.
Ayoko na!
Hindi na kaya
ng aking konsiyensiya.
Ang hirap palang wala Ka!

Sori Among!
Patawad!

Alam kong di- mapipiyansahan ang mga atraso
ko sa 'Yo.
Alam ko ring walang duda matutukso pa ako
dahil di-mabunot-bunot ang sukal
na tumubo sa mundo ko
na nagpapadilim sa tinatakbuhan ko,
kaya nagbabalik-luhod ako Sayo
kahit basag na ang pula ko,
kahit basa na ang papel ko.

Isang pakiusap
pakinggan Mo sana:
pabawiin Mo naman ako,
minsang tsansa na lang ba?
itong-ito na lang!
kailangang-kailangan ko kasi
at wala na akong matatakbuhang iba
na makikinig,
na makakaintindi.
Ikaw lamang.

Sige na naman!
pagbigyan Mo na ako
para naman mahulug-hulugan ko
ang mga atraso ko Sayo
at sa kanilang lahat.

Kung gusto Mo,
para mabawasan ang galit Mo,
pulbusin Mo ang dibdib ko
nang maisuka ko na rin
ang lason sa katawan kong ito.



Maawa Ka na, Manong!
tulungan Mo ako!
pagalingin Mo ako!
baguhin Mo ako!
ang toyo’t talangka sa ulo ko
pakialis Mo!
kahit papaano
makalakad lang uli ako nang diretso.

Maawa Ka na, Manong!
Tanggapn Mo uli ako kahit di nakakosa,
Maski kakilala na lang basta.
Sige na naman!
Ibigay mo na sa ‘kin ang adres Mo
at hahanapin ko ang bahay Mo
at oras na makita ko
ipinangangako ko Sayo:

Sasambahin ang ngalan Mo,
Susundin ang loob Mo,
Dito sa lupa…para…

Patawad Diyos ko!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.